Gamot sa Pigsa at Home Remedies para Dito | RiteMED

Gamot sa Pigsa at Home Remedies para Dito

December 20, 2018

Gamot sa Pigsa at Home Remedies para Dito

Iba’t iba ang sinasabing dahilan ng pagkakaroon ng pigsa, pati na rin ang pagpapagaling dito. Mula sa paggamit ng bote para pisain o putukin ang impeksyon na ito hanggang sa pagbutas ng mata ng pigsa gamit ang karayom, kapag sumunod lang sa mga haka-haka at hindi ligtas na gawain sa pagpapagaling, maaari lamang itong maimpeksyon at lumala. Tingnan dito ang mga home remedy for pigsa at mga gamot para mawala ito.

 

Bago natin talakayin ang mga nabanggit, pag-usapan muna natin kung ano ang pigsa at bakit nagkakaroon nito ang isang tao, nang sa gayon ay mas maintindihan at malaman kung anu-ano ang mga dapat gawin ukol dito.

 

Ano nga ba ang pigsa?

 

Ang pigsa o boil ay isang impeksyon sa balat na nagsisimula sa hair follicle o oil gland sa layer ng skin. Sa umpisa, namumula ang balat sa area na naimpeksyon, sinundan ng pagkakaroon ng umbok o lump makalipas ang ilang araw. Sa loob ng apat hanggang pitong araw, ang bukol na ito ay nagkakaroon ng nana sa ilalim ng balat.

 

Karaniwan, lumalabas ang pigsa sa mukha, leeg, kili-kili, balikat, at pwetan. Mayroon din nito sa mata kung minsan – kilala naman sa tawag na kuliti o sty. Kapag ang pigsa naman ay matatagpuan sa isang grupong dikit-dikit, tinatawag itong carbuncle, isang malalang impeksyon.

 

Anu-ano ang mga posibleng cause of pigsa?

 

Kadalasan, ang mga pigsa ay dala ng staphylococcus, isang uri ng bacteria na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga maliliit na sugat o hiwa sa balat. Maaari rin nilang daanan ang buhok para makapasok sa follicle ng balat.  

 

Bukod dito, may mag kondisyon din na maaaring pag-ugatan ng pagkakaroon ng pigsa gaya ng diabetes, pagiging mahina ng immune system laban sa mga sakit at impeksyon, malnutrition, hindi wastong pag-aalaga ng katawan, at pagka-expose sa masasamang kemikal na nakakairita ng balat.

 

Dagdag pa rito, baka rin mayroong sensitivity ang balat mula sa ilang produkto gaya ng ibang active ingredients na matatagpuan sa mga makeup at skin care products. Kapansin-pansing ito ang dahilan ng pigsa kung agaran ang paglabas ng impeksyon matapos ang unang paggamit ng produkto.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

Kung minsan, nakakahawa ito sa pamamagitan ng skin-to-skin contact mula sa mga secretion ng isang sariwang pigsa. Ipinapaalala na huwag muna manghiram ng personal na gamit mula sa taong mayroong pigsa para makaiwas sa pagkahawa sa impeksyon.

 

Anu-ano ang pigsa symptoms na dapat bantayan?

 

Dahil nagsisimula ito sa pagiging maliit, hindi pa rin ito gaano kasakit sa una. Habang lumalaki ito, tumitindi rin ang dala nitong discomfort. Mas mataas, ang impeksyon, mas masakit ang pigsa. Tingnan kung nagpapakita na ng ganitong mga senyales ang pigsa para hindi na lumaganap pa ang impeksyon:

 

  • Pagkakaroon ng lagnat;
  • Pagkakaroon ng kulani sa ibang bahagi ng katawan;
  • Pagtubo ng mas maliliit na pigsa sa paligid ng naunang pigsa; at
  • Pagiging infected ng balat sa palibot ng pigsa (pamumula, pananakit, pagiging mainit sa pakiramdam, at pamamaga).

 

Anu-ano ang mga home remedy for pigsa?

 

May ilang paraang pwedeng pagpilian para mapuksa ang pigsa. Importante rito hindi lamang ang pagkawala ng umbok at nana, ngunit pati na rin ang pagpatay sa impeksyon na nakapasok sa balat. Narito ang ilan sa pigsa treatment na pwedeng subukan:

 

  1. Antibiotic para sa pigsa – Ang gamot sa pigsa gaya ng cloxacillin ay nakakatulong na mapuksa ang bacterial infection. Isa itong uri ng penicillin na pumipigil sa paglaki at pagdami ng bacteria. Iminumungkahi na inumin ito sa loob ng isa o dalawang oras pagkatapos kumain.

 

Kung bata naman ang nagkaroon ng pigsa, maaari siyang bigyan ng cloxacillin solution o syrup. Tandaan na kumonsulta muna sa pediatrician biga i-administer ang nasabing gamot.

 

  1. Ointment para sa pigsa – May mga nabibiling over-the-counter ointment na mayroong polymyxin B, neomycin, at bacitracin zinc para pigilan ang impeksyong dala ng bacteria sa balat. Para makasigurado, maaaring magpasagawa muna ng skin test sa dermatologist o professional consultation sa doktor.

 

  1. Warm compress – Natutulungan ng init nito na maging normal ang blood circulation sa area na may impeksyon. Dahil dito dumadami ang white blood cells at antibodies na maaaring pumuksa sa bacteria na nagsanhi ng pigsa. Patungan ng warm compress ang pigsa nang 20 minutes tatlo hanggang apat na beses sa isang araw, araw-araw, hanggang mawala na ito.

 

undefined

Photo from Unsplash

 

  1. Tea tree oil – Bukod sa pagpapagaling ng tigyawat, nakakatulong din ang tea tree oil para sa pagpapawala ng pigsa dahil sa antibacterial at antiseptic benefits nito. Maghalo ng limang patak ng teatree oil sa isang teaspoon ng virgin coconut oil o olive oil. Gamit ang malinis na bulak, ipahid ito nang marahan sa pigsa dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw hanggang gumaling ito.

 

  1. Castor oil – Naglalaman ito ricinoleic acid na isang natural anti-inflammatory na pumipigil sa pamamaga at pananakit ng pigsa. Lagyan lamang ng kaunting bahagi nito ang pigsa at least tatlong beses sa isang araw hanggang umimpis na ito.

 

Ipinapaalala na ang ganitong mga paraan ng self-medication o home remedy ay hindi iminumungkahi para sa mga pasyenteng mayroong diabetes dahil maaaring lumala ang health condition dahil sa sugat na dala ng pigsa sa paggaling nito.

 

Sa pagkakataong hindi gumana ang alinman sa mga paraang ito, mabutihing magpakonsulta sa espesyalista para makasigurado na ang pigsa ay hindi sintomas ng isang mas malalang health concern gaya ng cancer. Hindi man ito nakakabahala kung titingnan, mas mainam nang maging maingat.

 

Sources:

 

https://www.webmd.com/skin-problems-and-treatments/guide/boils#1

https://www.medicinenet.com/boils/article.htm#are_boils_contagious

https://www.healthline.com/health/home-remedies-for-boils#when-to-see-your-doctor

https://chealth.canoe.com/drug/getdrug/neosporin-ointment

https://www.healthline.com/health/antibiotics-for-boils

https://www.webmd.com/drugs/2/drug-8637/cloxacillin-oral/details

https://www.healthline.com/health/home-remedies-for-boils#remedies



What do you think of this article?