Tamang Alaga para sa Diabetes
March 5, 2016
Ang Diabetes ay isang karamdaman kung saan mataas ang lebel ng asukal (blood glucose) sa dugo. Itinuturing itong “silent killer” dahil sa dami ng mga pasyenteng namamatay dahil sa kumplikasyon nito. Ito ay nagdudulot ng 1.5 M kamatayan kada taon. Tinatayang 415 milyong katao sa buong mundo ang meron ng sakit na ito, at sa ating bansa, 1 sa bawat 5 Pilipino ang apektado ng diabetes. Ika-10 ang Pilipinas sa bansang may pinakamataas na insidente ng diabetes sa buong mundo.
Ang diabetes ay may dalawang uri. Ang Type 1 Diabete Mellitus (DM) ay karaniwang nagsisimula o nadadiagnose sa mga nakababatang pasyente. Ito ay dulot ng kawalan ng produksyon ng Insulin sa ating mga lapay o pancreas. Ang insulin ay isang kemikal sa ating katawan na nagiipon ng asukal sa ating mga kalamnan at atay. Ito ay sa kadahilanang nag-iimpok ang ating katawan ng sapat na asukal para sa mga pangangailangan ng ating mga organ sa hinaharap. Importante ang papel na ginagampanan ng Insulin sa balanse ng asukal sa ating dugo at mga organ.
Ang kawalan ng Insulin sa Type 1 DM ang sanhi ng mataas na lebel ng asukal sa dugo ng mga pasyenteng meron nito. Ang Type 2 DM naman ay sanhi ng kulang na produksyon ng insulin sa lapay o di naman kaya ang pagiging hindi sensitibo ng mga kalamnan at atay sa aksyon ng insulin. Ito ay karaniwang nadadiagnose sa mga pasyenteng edad 40 pataas.Naitala sa mga nakaraang taon na padami na ng padami ang mga pasyenteng mas bata na nagkakaroon nito.
Maraming mga factors ang dahilan ng pagkakaron ng Type 2 DM. Ilan sa mga ito ay sobrang katabaan o pagiging obese, malapad na baywang o waist line, kawalan ng ehersisyo, edad > 45 y.o., altapresyon at mataas na insidente ng diabetes sa pamilya (family history). Meron ding diabetes na nakikita sa mga buntis. Ito ay tinatawag na Gestational Diabetes (GDM). May mga kumplikasyon na maaaring mangyari dahil sa GDM, lalo na sa bata, tulad ng pagkalaglag or miscarriage, Structural birth defects, sobrang paglaki o pagtaba ng bata at sakit sa puso.
Ang mga pasyenteng may diabetes ay maaaring makaranas ng ilang sintomas. Ang mga ito ay pagkauhaw, madalas na pagihi (na minsan ay gigising pa sa kanila sa gabi), madalas na pagkagutom at biglaang pagbawas ng timbang. Ngunit ating tandaan na karamihan sa mga tao na may diabetes ay walang nararamdamang sintomas, kaya nadadiagnose ang kanilang sakit kapag ito ay malala na. Dahil dito, masasabi nating napakahalaga ng pagkuha ng blood tests kada taon para masuri ang asukal sa dugo lalo na sa mga taong edad 40 pataas.
Maraming kumplikasyon ang DM. Ito ang pinakamadalas na dahilan ng pagda-dialysis sa buong mundo. Labis na humihina ang kalagayan ng mga bato bunsod ng mga masasamang epekto ng DM sa organ na ito. Napansin din na tumataas ang insidente ng kamatayan dahil sa sakit sa puso kapag ang isang tao ay may DM din. Ito ay sa kadahilanang itinuturing na “Cardiovascular Risk” ang DM. Dahil din sa malapot na daloy ng dugo sa mata dulot ng diabetes, maaari ring mabulag ang mga pasyente.
Tinatawag itong diabetic retinopathy. Madalas ding dumadaing ng pagkamanhid, pangangalay at pamimintig ng ugat ang mga may DM, dahil sa pagdevelop nila ng diabetic neuropathy.
Tamang Pagsusuri
Masasabing ang isang indibidwal ay may diabetes kung siya ay maoobserbahan na may mataas na lebel ng asukal sa alin man sa mga test na ito: Fasting Blood Sugar (FBS) na higit sa 126 mg/dL o Random Blood Sugar (RBS) na higit sa 200 mg/dL at may mga nararamdamang mga sintomas.
Katulad ng nabanggit, karamihan sa mga pasyenteng may DM ay walang sintomas, kaya kailangan hikayatin natin ang mga pasyente na regular na magpasuri ng asukal sa dugo, lalo na sa mga taong edad 40 pataas. Maaari ring magpakuha ng urinalysis para malaman at ma-monitor ang kalagayan ng bato.
Pagdating naman sa pag-monitor ng blood glucose, ang HbA1c ang itinakdang pamantayan. Sinusukat ng blood test na ito ang lebel ng asukal sa dugo sa loob ng 3 buwan. Kaya malalaman talagang maigi kung ang pasyente ay sumusunod ba talaga sa nirekomendang gamot, diet at ehersisyo. Ang lab test na ito ang sya ding batayan sa pagbago o pagdagdag ng gamot ng pasyente. Kung mataas pa din ang HbA1c kahit may iniinom ng gamot para sa diabetes, ibig sabihin ay kulang pa ang ibinibigay na gamot. Kailangan pang dagdagan ito upang mapanatili ang HbA1c sa target na 7%.
Tamang Pagsusuri
Marami ang gamot na maaaring ireseta sa mga pasyenteng may diabetes. Para sa mga may Type 1 DM, dahil walang ginagawang insulin ang kanilang lapay, injection ng insulin lamang ang gamot na maaaring ibigay.
Ang mga gamot na iniinom (na ibinibigay sa type 2 DM) ay walang epekto sa Type 1 DM dahil wala talagang nagagawang insulin ang lapay. Para sa Type 2 DM naman, ang pinakamadalas at ang itinuturing na pinakaunang gamot na inirerekomenda ay metformin. Ito ay may magandang epekto hindi lamang sa asukal sa dugo, kundi pati na din sa pagbawas ng timbang ng mga overweight at obese na pasyente.
Kung ang asukal sa dugo ay hindi pa din nakokontrol ng metformin, may iba pang mga gamot na maaaring ibigay kasabay nito. Ilan sa mga halimbawa ng gamot na ito ay glibenclamide, glipizide, gliclazide, glimepiride, repaglinide, nateglinide, pioglitazone, rosiglitazone, sitagliptin, linagliptin, saxagliptin, acarbose at exenatide.
Tamang Pagkain
Ang pagbabago ng diet ang may pinakamalaking epekto sa pagbawas ng timbang. Hindi ibig sabihin asukal ang problema sa diabetes ay sobra-sobrang asukal lang ang dapat iwasan ng mga pasyenteng may ganitong sakit. Totoong ang labis na pagkain ng mga matatamis na pagkain na binubuo ng “simple sugars” ay talagang nakakataas ng asukal sa dugo, ating tandaan na lahat ng ating kinakain (yan man ay karne o taba), sa huli, ay nagiging asukal din.
Importanteng bawasan natin ang dami ng lahat ng ating kinakain, ito man ay kanin, karne o matatamis. Maiging damihan ang pagkain ng madadahong gulay at pagkaing mataas ang fiber. Kung kaya lang naman din ng budget, piliin ang wheat-based na produkto katulad ng wheat bread at oatmeal. Ang mga pagkaing ganito ay mas matagal na tinutunaw ng ating tiyan, dahilan upang maging mabagal ang pagtaas ng asukal sa ating dugo. Mas nakakapagbigay ito ng sapat na asukal para sa matagalang trabaho at mas nagiging bihira ang pagkaramdam ng gutom. Importante para sa mga pasyenteng may DM na piliin ang masusustansyang pagkain kaysa kumain nga ng kaunti pero puno naman ng saturated fats at simple sugars ang mga ito.
Iwasan ang mga instant, junk at fast food, na mataas ang asukal at asin na taglay, tulad ng chichirya, instant noodles at iba pa. Dapat ding iwasan ang mga simple sugars na nahahanap sa mga pagkain tulad ng donuts, cakes, ice cream, refined pasta, white rice, soft drinks o soda at juice drinks. Ang pagkain ng karne ay hindi naman kailangang tanggalin. Ngunit ang nirerekomendang uri ng karne ay isda at iba pang seafood at manok lamang dahil sila ay itinuturing na white meat. Ugaliin ding iwasan ang mga processed meat products tulad ng hotdog, nuggets, bacon at iba pa.
Piliin ang mga low-fat na produkto, lalo na sa mga dairy products tulad ng gatas at keso. Mas maigi din ang pagkain ng mas maliit na sukat ngunit mas madalas sa loob ng isang araw. Ito ay nakakapagpataas ng metabolism ng katawan. Huwag ding liliban sa pagkain ng agahan o almusal. Ito ang pinakamahalagang pagkain sa araw araw dahil ito ang nagbibigay enerhiya para sa ating buong araw na gawain.
Tamang Ehersisyo
Katulad ng Hypertension, ang pagbabawas ng timbang at ehersisyo ay mahalaga din sa pagiwas at pagkontrol ng diabetes. Sinasabing ang pagbabawas ng 5-10% ng timbang ay nakatutulong upang mapababa ang asukal sa dugo, blood pressure at cholesterol. Ang pageehersisyo ng hindi bababa sa 150 minuto sa loob ng isang linggo ay nakakapagpababa ng HbA1c. Ang ilang halimbawa ng ehersisyo o aerobic exercises na ito ay paglalakad, pagjajogging, pagtakbo, pagbabike at pagsasayaw. Maiging gawin ng mga pasyente ang ehersisyo na ini-enjoy nila upang ito ay gawin nya ng tuloy tuloy. Mahalaga na mapanatili ng pasyente ang pageehersisyo para makamtan nya ang benepisyong nakukuha nya sa pagbaba ng kanyang asukal sa dugo.
Ating tandaan na ang pageehersisyo ay hindi lamang para sa pagbabawas ng timbang, kundi pati na rin mapabuti ang pangkalahatang kalusugan ng bawat tao. Bukod pa sa pagbabawas ng timbang, mahalaga din na mapanatili natin na nasa normal na lebel ang ating BMI (Body Mass Index). Ito ay ang proprosyon ng timbang at tangkad ng isang tao. Ito ay kinocompute bilang: timbang (kilo) / tangkad (metro2). Ito ay isang indikasyon ng dami ng taba sa katawan base sa timbang at tangkad ng tao. Ang normal na BMI ay 18.5 – 22.9. Kung ang nakalkulang BMI ay 23-24.9, ito ay itinuturing na overweight, samantalang kung 25 o higit pa, ito ay itinuturing na obese. Kung mas mababa naman sa 18.5, ito ay underweight.
Isa ang diabetes sa mga pinakamahirap na sakit na gamutin. Ngunit ito ay makokontrol sa masusi at regular na pag-inom ng gamot, pageehersisyo at pagkontrol sa mga kinakain. Importante din na mamonitor ang presensya ng mga kumplikasyon ng sakit na ito, kaya ang regular na pagpapa-checkup sa doctor (kada 6 buwan) ay ipinapayo. Siguraduhin din na kontrolado ang BP at cholesterol sa katawan upang mas makaiwas sa mapaminsalang epekto ng DM sa katawan. Ang paninigarilyo at pag-inom ng alak ay dapat tuluyan ng tigilan dahil ang mga ito ay nakakapagpalala pa lalo ng diabetes, altapresyon at ng mga kumplikasyon ng mga sakit na ito. Tunay na ang paggamot at pagkontrol sa diabetes ay nag-uukol ng tamang disiplina at pagpupursige ng pasyente. Ating isaisip na ang kabutihang dulot ng pagkontrol ng diabetes ay may pangmatagalan at malaking epekto sa ating buhay.