Bakit hindi natutunawan ang isang tao? | RiteMED

Bakit hindi natutunawan ang isang tao?

April 21, 2016

Bakit hindi natutunawan ang isang tao?

Ano ang dyspepsia?

Ang dyspepsia o indigestion ay isang pangkaraniwang kondisyon na nagdudulot ng mga sintomas tulad ng pagsusuka (vomiting), pananakit ng tiyan (abdominal pain), pagtatae (diarrhea), at pangangasim ng sikmura (heartburn o acid reflux). Napipigilan nito ang wastong pagtunaw ng kinain. Kadalasan ding ginagamit ang salitang dyspepsia upang ipaliwanag ang mga sintomas na nagdudulot ng pananakit o bigat na nararamdaman sa tiyan.

 

Halos lahat ng tao ay makakaranas ng dyspepsia sa kanilang buhay. Madalas itong nagaganap habang o pagkatapos kumain. Hindi man ito nakamamatay na kondisyon, maaari nitong mapigilang ang malayang paggalaw ng isang tao at makaistorbo sa pang araw-araw na pamumuhay. Maaari din itong magdulot ng dehydration dahil sa sobrang pagtatae at pagsusuka.

Ano ang mga sintomas ng dyspepsia?

Ang pangunahing sintomas ng dyspepsia ay ang pagsakit ng tiyan o abdominal pain. Maaari ding makaranas ng iba pang sintomas ang taong may dyspepsia. Ito ang mga sumusunod:

  • Pagbigat ng pakiramdam matapos kumain

  • Nausea

  • Pagsusuka (vomiting)

  • Pagtatae (diarrhea)

  • Pamamaga ng tiyan (stomach bloating)

  • Pagkawala ng gana kumain

  • Pangangasim ng sikmura (heartburn)

  • Maasim/maalat na lasa sa bibig

  • Pagdighay (burping)

Bihirang maging malubha ang mga sintomas ng dyspepsia, ngunit hindi ito dapat ipagwalang bahala, lalo na kapag hindi ito gumagaling o kaya naman ay nakakaranas ng matinding pagtatae o pagsusuka matapos kumain.

 

Meron ding mga ALARM symptoms ang dyspepsia na maaaring indikasyon ng malubhang karamdaman. Ang ALARM ay nanggaling sa mga salitang ingles na Anemia, Loss of weight, Anorexia, Recent onset of progressive symptoms, Melena, at Swallowing difficulty. Magpatingin agad sa doktor kung ikaw ay nakakaranas ng kahit ano sa ALARM symptoms.

 

Samantala, maaari din lumala ang ibang sintomas ng dyspepsia kapag madaming sumasamang hangin habang kumakain. Kasama na dito ang pagdighay at paninigas o paglaki ng tiyan (bloating).

Ano ang mga sanhi ng dyspepsia?

 

Ang dyspepsia ay maaaring organic o functional. Ang organic dyspepsia ay dulot ng umiiral na karamdaman, epekto ng gamot, o mga paraan ng pamumuhay. Ito ang mga pangkaraniwang sanhi ng organic dyspepsia:

 

  • Gastroesophageal Reflux Disease (GERD)

  • Hiatal Hernia

  • Lactose Intolerance

  • Irritable Bowel Syndrome

  • Peptic Ulcer

  • Pancreatitis

  • Thyroid disease

  • Duodenal Ulcer

  • Diabetes

  • Depresyon (Depression).

Mga Gamot:

  • Analgesics

  • Antibiotics

  • Birth Control Pills

  • Steroids

  • Thyroid Medicines

Gawain na nagsasanhi ng dyspepsia:

  • Sobrang pag-inom ng alak o kape

  • Paninigarilyo

  • Pagsuot ng masisikip na damit

  • Pagkain ng mabilis

  • Pagkain ng maaanghang

  • Pagkain ng acidic foods

 

Tandaan na ang dyspepsia o indigestion ay maaaring indikasyon ng malubhang karamdaman gaya ng diabetes. May maliit na pagkakataon rin na ang dyspepsia ay dulot ng kanser sa sikmura o stomach cancer. Kapag ang dyspepsia naman ay hindi gumagaling at hindi rin dulot ng kahit ano sa itaas, ito ay maaaring functional dyspepsia na hindi malala ang mga sintomas ngunit nararanasan sa matagal na panahon.  

Ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong dyspepsia?

Ang dyspepsia ay madaling matukoy gamit ang mga karaniwang sintomas nito. Ang dyspepsia sa mga taong edad 55 pababa ay kadalasang hindi nakakapinsala, maliban na lang kung ito ay may kasamang ALARM symptoms. Bagamat hindi dapat mabahala sa mga pangkaraniwang sintomas ng dyspepsia, mahalagang malaman kung ito ay dulot ng isa pang karamdaman na maaaring malubha.

 

Dahil madalas magsabay ang iba’t-ibang sanhi nito, minsan ay kailangan ng karagdagang pagsusuri upang matiyak ang sanhi ng dyspepsia, tulad na lamang ng upper gastrointestinal endoscopy.

Paano ginagamot ang dyspepsia?

Maraming pamamaraan ang isinasagawa upang magamot o mapagaling ang mga sintomas ng dyspepsia. Ang pagpili ng panggamot ay nakadepende sa sanhi ng karamdaman. Gayunpaman, ang pangunahing iniinom ay ang mga gamot na nagpapababa ng acidity ng sikmura o antacids. Maaari ding uminom ng antibiotic kapag ang sanhi ng dyspepsia ay impeksyon ng mikrobyo.

 

May mga over-the-counter drugs na nakakatulong sa dyspepsia.

Paano maiiwasan ang dyspepsia?

Ang pag-iwas sa dyspepsia ay nangangailangan ng mga nakabubuting pagbabago sa pamumuhay. Nagsisimula ito sa wastong pagkain at pag-iwas sa mga karaniwang sanhi tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak o softdrinks. Ugaliin din na nguyain ng husto ang kinakain. Ang mga hakbang na ito ay nakakatulong upang mapigilan ang pagpasok ng hangin at mabawasan ang bigat na nararamdaman ng sikmura sa pagtunaw ng pagkain.

 


What do you think of this article?