Arthritis ang tawag sa iba’t-ibang kondisyon ng rayuma na may kinalaman sa kasukasuan at mga nakapaligid na bahagi ng katawan. Napakaraming uri ng arthritis ang nakakaapekto sa milyun-milyong tao. Karamihan sa kanila ay may edad na at maaaring nakararanas din ng mga karamdaman gaya ng joint pain, gout at panghihina.
Ang pangkaraniwang uri ng arthritis ay ang osteoarthritis na nagdudulot ng pagkasira ng cartilage ng buto. Kabilang naman ang rheumatoid arthritis sa ibang uri ng malubhang arthritis na nakakaapekto sa kasukasuan sa pagtagal ng panahon. Karaniwang inaabot ng ilang buwan bago maranasan ng pasyente ang iba’t-ibang sintomas nito.
Depende sa uri ng arthritis, nakararanas ang isang pasyente ng iba’t-ibang sintomas na maaaring lumubha kapag napabayaan. Bagama’t nakakaapekto ang arthritis sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, kadalasang nararanasan ang mga sumusunod na sintomas:
- Pananakit – Isa ang joint pain o pananakit ng kasukasuan sa pinaka-karaniwang sintomas ng rayuma.
- Pamamaga – Madalas ding makaranas ng pamamaga sa bahaging naaapektuhan ng rayuma. Ito ay maaaring magbunga ng rheumatic nodules na nakakaapekto sa 30% ng mga taong may rheumatoid arthritis.
- Paninigas – Bukod sa pananakit at pamamaga, maaari ring makaranas ang pasyente ng paninigas ng katawan kapag bagong gising o kapag matagal na nakaupo.
Ang mga sintomas ng arthritis ay kadalasang nagdudulot ng kahirapan sa paggalaw ng pasyente. Madalas ding mapagkamalan ang pangangalay bilang isang palatandaan ng arthritis.
Gaya ng ibang kondisyon na nakukuha sa pagtanda, maraming posibleng sanhi ang arthritis. Ang mga sumusunod na sanhi ay maaaring magdulot ng kahit anong uri ng arthritis.
- Pinsala o Injury – Isa sa karaniwang sanhi ng arthritis ang pinsala sa buto at kasukasuan. Bukod sa malalalang aksidente, maaari ring sanhi ang masamang tindig sa pagtagal ng panahon at ang kakulangan ng gawaing pisikal.
- Metabolismo – Dahil sa abnormal na metabolism, ang paninigas ng uric acid sa kasukasuan ay maaaring magdulot ng gout.
- Namana – Ang ibang uri ng arthritis ay namamana gaya ng osteoarthritis. Kapag ang isang miyembro ng iyong pamilya ay may arthritis, posible ring ikaw ay magkaroon nito.
- Impeksyon – Ang ibang uri ng arthritis gaya ng septic arthritis ay nakukuha sa impeksyon ng mikrobyo.
Tandaan na maaaring magkaroon ng arthritis ang isang tao dahil sa maraming sanhi. Ito ang dahilan kung bakit mahirap hanapin ang tiyak na sanhi ng arthritis.
Para matukoy kung ikaw ay mayroong arthritis, uunahing suriin ng doktor ang anumang sintomas na iyong nararanasan. Pagkatapos nito ay karaniwan ding isinasagawa ang isang physical exam para malaman kung may namamagang kasukasuan sa iyong katawan.
Maaari ring isagawa ang x-ray at blood test para matukoy ang uri ng arthritis na nararanasan ng pasyente. Ang x-ray ay karaniwang ginagawa upang matukoy kung mayroong osteoarthritis ang pasyente at ang blood test naman ay para matukoy kung mayroong siyang rheumatoid arthritis.
Maraming paraan para gamutin ang mga sintomas ng taong may arthritis. Tandaan na karamihan sa mga gamot na iniinom ay para lamang sa mga sintomas ng arthritis at hindi pangmatagalang gamot para sa kondisyon na ito.
Para sa mga karaniwang kaso ng arthritis, ang ginagamit na panggamot ay ang mga sumusunod:
- Analgesics (Pain relievers)
- Glucorticoids (Cortisone-related medicines)
- Anti-inflammatory medication
- Physical therapy
- Ehersisyo
- Surgery
Maaari ring manatili ang osteoarthritis o rheumatoid arthritis kahit nagagamot na ang pasyente. Gayunpaman, maaring mapigilan ang paglala ng rheumatoid arthritis gamit ang makabagong paraan ng panggagamot.
Ang pag-iwas sa arthritis ay mas mahalaga sa epektibong panggagamot ng mga sintomas nito. Nangangailangan ng pag-unawa sa masiglang pamumuhay na dapat sundin sa matagal na panahon upang tuluyang maiwasan ang sakit na ito. Bagama’t walang tiyak na paraan para maiwasan ang ibang uri ng arthritis, maaari mong pababain ang pagkakataong magkaroon nito gamit ang mga sumusunod:
- Tamang tindig – Para maiwasan ang pinsala sa kasukasuan, isa sa pinakasimpleng paraan ang pagkakaroon ng tamang tindig lalo na kapag madalas nakaupo.
- Ehersisyo – Napakahalaga ng tamang ehersisyo sa pag-iwas sa arthritis lalo na’t ang pagiging obese ay isa sa mga sanhi ng osteoarthritis. Kasama na rito ang pag-iwas sa masasamang bisyo gaya ng paninigarilyo.
- Wastong pagkain – Malaking tulong ang pag-iwas sa mga pagkaing mataas sa asukal, alcohol o purines gaya ng karne at seafood upang mapigilan ang pagkakaroon ng gout.