High Cholesterol | RiteMED

Sakit At Sintomas

 

HIGH CHOLESTEROL: High Cholesterol o Labis na Dami ng Cholesterol

VIEW MEDICINES

Ano ang cholesterol?

Ang cholesterol ay isang malapot na uri ng taba (lipid) mula sa atay. Ito ay kailangan ng katawan sa paggawa ng cells, hormones at Vitamin D. Kasama rin ito sa komposisyon ng cells at tumutulong sa pagtunaw ng mga laman sa tiyan. Bukod sa supply ng katawan, maaaring makuha ang cholesterol at triglycerides sa pagkain na tinaguriang cholesterol foods. Ang triglyceride, gaya ng cholesterol, ay mapanganib kapag labis ang dami sa katawan.

Ang cholesterol ay dinadala sa iba’t-ibang parte ng katawan ng lipoprotein. May dalawang lipoprotein na nagsisilbing transportasyon ng cholesterol:

  • HDL Cholesterol – Kalimitang tinatawag na “good cholesterol” ang high density lipid o HDL cholesterol. Kinukuha ng HDL ang labis na cholesterol sa mga cells at dinadala ito sa atay kung saan gagawin itong waste product ng katawan.
  • LDL Cholesterol – Ang low density lipid o LDL cholesterol ang nag-iimbak ng cholesterol sa mga cells. Kapag sumobra ang pag-imbak, maaaring may mabuong artery wall sa mga cells na magdudulot ng maraming sakit. Dahil dito, tinatawag ang LDL na “bad cholesterol.”

Upang maging masigla at makaiwas sa mga seryosong sakit, dapat kumain ng mga pagkaing mayaman sa HDL cholesterol at iwasan ang mga bagay at pagkaing masagana sa LDL cholesterol.

Ano ang triglyceride?

Ang triglyceride ang pangunahing uri ng taba sa katawan. Ito ay galing sa pagkain at nagbibigay ng dagdag na enerhiya sa katawan. Ang labis na triglyceride ay naiimbak sa fat cells na nagreresulta sa pagtaba ng tao. Kung labis ang dami ng triglyceride sa katawan, maaari itong magdulot ng mga seryosong sakit gaya ng sakit sa puso at altapresyon.

Anu-ano ang mga sintomas ng high cholesterol?

Walang sintomas ang pagkakaroon ng high cholesterol kaya importante ang regular check-up sa doktor. Malalaman mo lang na ikaw ay mayroon nito kapag ikaw ay nagpa-blood test.

Anu-ano ang mga sanhi ng high cholesterol?

Maraming bagay at pagkain ang maaaring magparami ng cholesterol sa ating katawan gaya ng:

  • Paninigarilyo
  • High cholesterol foods o pagkaing maraming saturated fat at trans fat
  • Kakulangan sa ehersisyo
  • Pagiging overweight o obese
  • Edad
  • Genetics o namana sa pamilya
  • High blood pressure

Anu-ano ang mga pagsusuri para malaman kung ikaw ay mayroong high cholesterol?

Nakikita ang dami ng cholesterol at triglyceride sa katawan gamit ang blood test. Sa pagsuri ng dugo, makikita kung labis ang taba sa iyong katawan.

Ang normal cholesterol level ay dapat 200 mg/dl pababa. Delikado kung humigit dito ang sukat lalo na kung umabot o lumampas ng 240 mg/dl. Gayon din kung ang dami ng LDL cholesterol ay umabot ng 190 mg/dl at pataas.

Ang katamtamang sukat naman ng triglycerides ay 150mg/dl at pababa. Masyado itong mataas kung ito ay umabot ng 200 – 499 mg/dl.

Paano ginagamot ang high cholesterol?

Kailangan ang kombinasyon ng mga sumusunod para sa isang normal cholesterol level:

  • Gamot gaya ng Statins, Ezetemibe at Aspirin depende sa sasabihin ng doktor
  • Balanced diet na mayaman sa omega-3 upang mapababa ang triglyceride
  • Pag-iwas sa mga pagkaing maraming saturated fat gaya ng matabang karne, mantikilya at keso
  • Pagtigil sa paninigarilyo
  • Pagkakaroon ng sapat na ehersisyo

Paano maiiwasan ang high cholesterol?

Bawasan ang pagkonsumo ng saturated fat. Kumain ng mga masustansyang pagkain at masagana sa HDL cholesterol gaya ng:

·         Oatmeal

·         Bawang

·         Dark chocolate

·         Olive oil

·         Pagkaing mayaman sa omega-3 gaya ng tuna, sardinas at mackerel

Bukod sa pagkain ng masustansyang pagkain, ugaliin ang pag-eehersisyo araw-araw para lumakas ang katawan at makaiwas sa pagiging overweight. Umiwas din sa paninigarilyo dahil hindi lamang ito nakatataas ng cholesterol, ito rin ay nagdudulot ng kanser at iba pang malulubhang sakit.

Kumonsulta sa inyong doktor upang mabigyan kayo ng tamang lunas sa inyong high cholesterol.