Paano ang tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing? | RiteMED

Paano ang tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing?

March 24, 2020

Paano ang tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing?

Walang pinipiling panahon ang paglaganap ng ubo at sipon. Ilan lang ang mga ito sa pinaka-karaniwang sakit na maaaring dumapo sa katawan kapag mababa ang resistensya. Dahil madali itong maipasa sa pamamagitan ng pagtalsik ng mucus mula sa infected na tao at iba pang paraan ng direct transmission, kailangang palawakin ang kaalaman tungkol sa wastong pag-ubo at pagbahing, lalo na kapag nasa pampublikong lugar.

 

Bago talakayin ito, pag-aralan muna natin ang mga nabanggit na kondisyon para mas maunawaan ang tamang kaugalian sa pagpigil ng pagkalat nito.

 

Cold and Cough

 

Ang ubo (cough) ay isa sa maraming reflex ng katawan na nagaganap kapag mayroong nakabara sa lalamunan o airway ng isang tao. Layunin ng pag-ubo na mailabas ang anumang nakabara o umiirita sa ating respiratory tract para lumawag ang ating paghinga. Maaari ring dahil sa virus o bacteria ang sanhi ng ubo.

 

Anu-ano ang mga uri ng ubo?

 

Viral cough – Ito ang ubong dulot ng virus. Ito ay nararanasan sa direct infection o pagkahawa, at maaaring mawala nang kusa sa loob ng isang araw hanggang isang linggo.

 

Bacterial cough – Ito naman ang ubong dala ng bacteria na kadalasang nangangailangan ng antibiotics bilang cough remedy.

 

Chronic cough – Isa itong uri ng ubo na tumatagal higit sa dalawang at maaaring dulot ng tuberculosis.

 

Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) – Ang ubong sanhi ng hika o asthma, ito ay kadalasang umaatake sa mga bata at senior citizens.

 

Ubong sintomas ng ibang sakit o kondisyon – Ang paninigarilyo ay maaaring makairita sa lalamunan at airways, dahilan para magkaroon ng ubo. Bukod dito, pwedeng mula sa allergies ang sakit.

 

Sipon (colds) naman ang sintomas na nagdadala ng pagbahing, isa pang uri ng reflex ng katawan para mailabas ang plema o anumang nakaharang sa airway. Madalas ding sanhi ng pagbahing ay allergy dulot ng alikabok.

 

Ano-ano naman ang mga uri ng sipon?

 

Allergic rhinitis - Ang allergens, gaya ng alikabok, usok, balahibo ng hayop, o pollen ng bulaklak ay ilan sa mga dahilan ng sipong may dalang pagbahing.

 

Viral colds – Buhat sa rhinoviruses na pinaka-pangkaraniwang sanhi ng sipon, nakakapasok ito sa katawan sa pamamagitan ng bibig, ilong, at mata. Mabilis ring makahawa ang ganitong uri ng sipon dahil ito ay air-borne o kumakalat gamit ang hangin. Naililipat ito kapag napalapit o humawak sa gamit ng taong infected, lalo na kung sila ay bumahing, suminga, at umubo.

 

Bacterial cold infection – Ito ang klase ng sipon na nagsasanhi ng pagkakaroon ng makapal at kulay dilaw o berde na mucus o uhog.

undefined

Ang ubo at sipon ay kapwa mga sintomas ng flu o trangkaso. Huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor kung nakakaranas ng ganitong mga senyales ng sakit at tila hindi ito napapabuti ng pagpapahinga at pag-inom ng gamot.

 

Mahalagang malaman ang tamang paraan ng pag-ubo at pagbahing, lalo na sa mga pampublikong lugar kung saan maraming tao at maraming maaaring mahawa.

Importante ring maunawaan ito upang makaiwas ang publiko sa bagong virus na ngayon ay isa nang pandemic: ang novel coronavirus (nCoV).

 

Ang nCoV ang carrier ng coronavirus disease (COVID-19). Ang sakit na ito ay mula sa pamilya ng viruses na nagdadala rin ng severe acute respiratory syndrome (SARS) at Middle East respiratory syndrome (MERS-COV). Pinapahina nito ang immune system at inaatake ang respiratory system.

 

Para mapigilan ang pagkalat ng ganitong klaseng mga virus at sakit, ipinapayo ang regular na pagsasagawa ng proper hygiene. Ito ang mga hakbang na ginagawa para sa kalinisan nang sa gayon ay maingatan ang sarili at mga tao sa paligid.

 

Paano ba ang tamang pagbahing at pag-ubo?

 

Gumamit ng tissue kung babahing o uubo. Itapon agad ang ginamit na tissue.

 

Huwag umubo sa harap ng tao. Mainam na may distansyang hanggang 4 feet sa ibang tao kung uubo o babahing.

 

Sa halip na sa kamay umubo o bumahing, ipangtaklob sa ilong at bibig ang manggas ng damit o sa likod ng siko.

 

Huwag umubo sa kamay dahil mas madaling mailipat ng mikrobyo sa ibang tao kung gagawin ito. Maghugas agad ng kamay kung hindi mapigilang magawa ito.

 

Umubo o bumahing pababa. Ang tamang direksyon ng pag-ubo ay pagbahing ay pababa upang maiwasang maikalat ang mikrobyo.

 

Narito pa ang karagdagang mga paalala para sa tamang pamantayan o etiquette sa pag-ubo o pagbahing:

 

Ugaliing maghugas ng kamay gamit ang sabon at running water.

 

Magdala ng isopropyl alcohol o ethyl alcohol kung aalis ng bahay. Sa ganitong paraan, mapapanatiling disinfected ang mga kamay kung walang malapit na source ng tubig at sabon.

 

Umiwas sa matataong lugar kung malubha na at matagal nang may cold and cough.

 

Magpakonsulta sa doktor lalo na kung hindi nakukuha sa gamot at pahinga ang sakit.

 

Kung infected ng anumang sakit at kailangang pumunta sa mataong lugar gaya ng mall, siguraduhing magsuot ng mask para hindi makahawa.

 

Anu-ano ang pwedeng cold and cough remedy?

 

Dahil na rin sa magkakaibang dahilan ng pagkakaroon ng ubo at sipon, iba-iba rin ang gamot at paraan ng paggamot sa mga ito.

 

Ilan sa mga pangkaraniwang inirereseta ng mga doktor na cough remedy ay ang mga sumusunod:

 

Antitussive – Ito ang uri ng gamot na kailangan para guminhawa mula sa dry cough.

 

Mucolytic - Ito ang mga gamot na nagpapalambot ng plema para mas madaling mailabas. Halimbawa nito ang carbocisteine, ambroxol, at bromhexine.

 

Expectorant – Karaniwan naman itong inirereseta para sa wet cough o ubong may halak.

 

Allergy medicines – Para sa mga ubo na dala ng allergens, pwedeng uminom ng loratadine at cetirizine.

 

Ang colds medicine naman na pwedeng irekomenda ay ang mga antihistamine gaya ng diphenhydramine at chlorphenamine maleate. Napapaluwang nito ang airways para mawala ang mga sintomas ng sipon.

 

Ang pinakamainam pa rin na paraan para maiwasan o mapagabal ang transmission ng virus ay ang pag-aalaga sa ating kalusugan. Mahalagang panatilihing malusog at malakas ang ating resistensya. Para makamtan ito, ugaliing kumain ng masusustansyang pagkain gaya ng prutas at gulay. Dagdag proteksyon din ang pag-inom ng supplement o vitamins gaya ng ascorbic acid o sodium ascorbate para lumakas ang resistensya. Ipinapaalala na obserbahan ang tamang paraan ng paglilinis ng kamay o hand hygiene para mapangalagaan ang sarili pati na rin ang kalusugan ng lipunan.

 

 

Source:

https://bttodss.shop/articles/hand-hygiene-tamang-paraan-ng-paglilinis-ng-kamay

https://mediko.ph/karamdaman/ubo-cough/

https://tl.wikipedia.org/wiki/Karaniwang_sipon



What do you think of this article?